Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ano ang mga kondisyong kailangang maabot ng isang tao upang makatanggap ng kaligtasan? Una sa lahat, kailangang taglay nila ang kakayahang kilalanin ang mga mala-satanas na mga anticristo; kailangang taglayin nila ang aspetong ito ng katotohanan. Sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng aspetong ito ng katotohanan sila tunay na makakasampalataya sa Diyos at makakaiwas sa pagsamba o pagsunod sa tao; tanging mga tao na kayang makakilala sa mga anticristo ang may kakayahang maniwala nang totoo sa Diyos at sumunod at magpatotoo sa Kanya. Upang makilala ang mga anticristo, kailangang matuto muna ang mga tao na makita ang mga tao at mga bagay-bagay nang may ganap na kalinawan at pag-unawa; kailangan nilang makita ang kakanyahan ng mga anticristo, at kailangan nilang matarok ang lahat ng kanilang mga sabwatan, panlilinlang, panloob na motibasyon, at mga layunin. Kung magagawa mo ito, makapaninindigan ka nang matibay. Kung nais mong makamit ang kaligtasan, ang unang pagsubok na kailangan mong malagpasan ay ang matutunan kung paano gapiin si Satanas at kung paano manaig at magwagi sa masasamang kapangyarihan at paggambala mula sa sanlibutan. Kapag taglay mo na ang tayog at sapat na katotohanan upang magsumikap hanggang sa wakas sa pakikipaglaban sa mga pwersa ni Satanas, at nagapi sila, sa pagkakataong iyon—at doon lamang—matibay na mapagsisikapan mo ang katotohanan, at doon ka lamang maaaring humakbang nang matatag at walang kasawian sa landas ng pagsusumikap para sa katotohanan at pagtatamo ng kaligtasan. Kung hindi mo malalagpasan ang pagsubok na ito, kung gayon maaaring masabing nasa malaking panganib ka, at maaari kang mahuli ng isang anticristo at madala upang mamuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Maaaring sa kasalukuyan ay may ilan sa inyo na pumipigil at tumitisod sa mga taong nagsusumikap para sa katotohanan, at sila’y mga kaaway ng mga taong iyon. Tinatanggap ba ninyo ito? May ilang hindi nangangahas na harapin ang katotohanang ito, ni hindi rin sila nangangahas na tanggapin ito bilang katunayan. Sa totoo lang, ang mga bagay na ito ay tunay na umiiral sa iglesia; hindi lamang makita ang mga ito ng mga tao. Kung hindi mo malalagpasan ang pagsubok na ito—ang pagsubok ng mga anticristo, ikaw kung gayon ay nalinlang at kinukontrol ng mga anticristo o pinagdurusa, pinahihirapan, tinutulak palabas, pinipigilan, at inaabuso nila. Sa huli, hindi makakatagal ang maliit mong buhay, at malalanta; hindi ka na magkakaroon ng pananampalataya sa Diyos, at iiwanan mo Siya, na nagsasabing, “Hindi nga makatuwiran ang Diyos; nasaan ang Diyos? Walang katuwiran o liwanag sa sanlibutang ito, at walang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan. Mas mabuti pang gugulin natin ang ating mga araw na nagtatrabaho at kumikita ng pera!” Itinatatwa mo ang Diyos at hindi na naniniwalang Siya’y nabubuhay; lubos nang nawala ang anumang pag-asa na makakamit mo ang kaligtasan. Kaya kung nais mong makarating kung saan maaari kang mabigyan ng kaligtasan, ang unang pagsubok na kailangan mong maipasa ay ang magawang makilala si Satanas, at dapat ay mayroon kang tapang na manindigan at ilantad at itakwil si Satanas. Nasaan, kung gayon, si Satanas? Si Satanas ay nasa iyong tabi at nasa palibot mo; maaari pa ngang namumuhay sa loob ng iyong puso. Kung nabubuhay ka na mayroong disposisyon ni Satanas, maaaring masabi na ikaw ay kay Satanas. Hindi mo makikita o mahahawakan ang Satanas ng espirituwal na kaharian, ngunit ang Satanas na umiiral sa praktikal na buhay ay naroon kahit saan. Sinumang tao na namumuhi sa katotohanan ay masama, at ang sinumang pinuno o manggagawa na hindi tumatanggap sa katotohanan ay isang anticristo at isang masamang tao. Hindi ba’t nabubuhay na mga Satanas ang mga gayong tao? Maaaring ang mga gayong tao mismo ang sinasamba at hinahangaan mo; maaaring sila ang mga taong namumuno sa iyo o mga taong matagal mo nang inaasam, hinahangaan, pinagkakatiwalaan at inaasahan sa iyong puso. Sa totoo lang, gayunpaman, sila’y mga hadlang sa iyong landas at pumipigil sa iyong pagkamit ng kaligtasan; sila’y mga anticristo. Maaari nilang kontrolin ang iyong buhay at ang landas na iyong nilalakaran, at maaari nilang sirain ang pagkakataon mong mabigyan ng kaligtasan. Kung mabibigo kang kilalanin at matarok sila, sa anumang sandali, maaari kang mahulog sa kanilang mga bitag o mahuli at madala nila. Kaya ikaw ay nasa malaking panganib. Marami bang makakatakas sa panganib na ito? Natakasan na ba ninyo ito? https://reurl.cc/XW8AZ0
Mayroong ilan na tinatawag ang kanilang sarili na mga naghahanap ng katotohanan at sinasabi na hindi sila natatakot sa mga anticristo—hindi ba pagyayabang lang ito? Kapag nakaharap mo ang isang anticristo na inilalantad ang kanilang mga pangil at iwinawasiwas ang kanilang mga kuko, walang pagkatao at gumagawa ng kasamaan, siguradong makikila mo sila. Subalit kung may isang anticristo na medyo mukhang tapat at katanggap-tanggap sa mga kuru-kuro ng mga tao, na mabuti ang pagkatao, na ang pananalita at kilos ay napaka-diplomatiko, magiliw, at maalalahanin, hindi mo makikita ang niloloob nila—ngunit ang kanilang pag-uugali, mga iniisip, at mga pananaw, gayundin ang kanilang mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay at maging ang kanilang mga paraan ng pag-unawa sa katotohanan, ay makakaapekto sa iyo. Ano ang lawak ng epekto nila? Makakaapekto sila sa paraan ng iyong pagkilos, sa landas na iyong tinatahak, at sa iyong saloobin sa Diyos; sa huli, magiging idolo mo sila at magkakaroon sila ng puwang sa puso mo, at hindi mo sila maiwawaksi. Kapag naimpluwensyahan ka na nang ganito katindi, maaaring lumiit ang pag-asa mong maligtas. Kung naimpluwensyahan ka ng Diyos at ng katotohanan nang gayon katindi, magiging katanggap-tanggap iyon at isang mabuting bagay, ngunit ang makontrol nang gayon katindi ng isang taong ginawang tiwali ni Satanas o ng kanyang kauri—kasawiang-palad ba iyon o isang pagpapala para sa iyo? Magiging kasawiang-palad iyon para sa iyo at hindi isang pagpapala sa anumang paraan. Bagama’t maaari ka nilang bigyan ng pansamantalang landas o pansamantala kang tustusan, tulungan, turuan, at iba pa, at bagama’t magmumukha itong malaking pakinabang sa iyo, sa sandaling magkaroon sila ng puwang sa puso mo at makokontrol at maisasaayos nila ang iyong mga iniisip at pananaw, sa paraan na maisasaayos pa nila ang iyong direksyon pasulong, may problema ka—mapapasailalim ka kung gayon sa kontrol ni Satanas. Mayroong mga taong nagsasabi tungkol sa isang anticristo, “Hindi siya si Satanas! Isa siyang espirituwal na tao na naghahanap sa katotohanan!” Totoo ba ang pahayag na iyon? Ang patnubay, tulong, at panustos na ibinibigay sa iyo ng sinumang tao na tunay na naghahanap sa katotohanan—ang impluwensya o pakinabang na idinudulot nila sa iyo—ay naghahatid sa iyo sa harap ng Diyos para mahanap mo ang Kanyang mga salita at ang katotohanan, at humaharap ka sa Diyos at natututong umasa sa Kanya at hanapin Siya, at ang iyong kaugnayan sa Kanya ay nagiging mas malapit. Sa kabilang dako, kung ang iyong kaugnayan sa taong iyon ang nagiging mas malapit, ano ang nangyayari? Baligtad na ang landas na iyong tinatahak, at mali ang daang tinatahak mo. Anong mga bunga ang kinahahantungan nito? Dahil naiharap ka na sa tao, mapapalayo ka sa Diyos, at, sa sandaling gumawa ang Diyos ng isang bagay na hindi makakabuti sa idolong sinasamba mo, agad kang maghihimagsik. Ito ang karaniwang nangyayari. Kapag pinapalitan ang ilang lider o pinatatalsik sa ilang sitwasyon, sumasamang umalis ang kanilang mga alagad at tumitigil sa paniniwala. Hindi ba ito ang karaniwang nangyayari? Bakit tumigil na sila sa paniniwala? Sinasabi nila, “Kung hindi maliligtas ang aking lider, ano pa ang pag-asa ko?” Hindi ba magulong sabihin ito? Paano nila nasabi iyon? Nalinlang sila ng kanilang lider. Ano ang kahihinatnan ng malinlang? Iyon ay na napailalim na sila sa kontrol ng kanilang lider. Ang bawat salita at kilos na kanilang lider, bawat gawa at galaw, at anumang mga pananaw ng kanilang lider, tinatanggap nilang lahat, at ginagamit ang mga ito bilang mga pamantayan at halimbawa, at itinuturing ang mga ito bilang sukdulang katotohanan. Samakatwid ay hindi nila pinababayaang sabihin ninuman na ang mga salita, kilos, o pananaw ng kanilang lider ay mali, o magsabi ng anumang negatibo tungkol sa kanila, o husgahan sila at bumuo ng mga konklusyon tungkol sa kanila. Sa sandaling itiwalag o alisin ang lider, kasama nila sa pag-alis ang mga kinokontrol nila, na hindi matinag sa kanilang paniniwala, at walang anumang paghimok ang makapagpapabalik sa kanila. Hindi ba sila napapailalim sa kontrol ng kanilang lider? Sa ilalim lamang ng kanilang kontrol mo magagawang makipaglaban para sa katarungan para sa kanila, o makibahagi sa kanilang mga pag-aalala, kanilang mga iniisip, kanilang mga luha, at kanilang mga hinaing, hanggang sa hindi mo na kilalanin ang Diyos. Ang kanilang layunin ay maging iyong Panginoon, iyong Diyos, ang bagay na iyong inaasahan, upang sundin at sundan mo sila nang may kabaitan sa kaibuturan ng puso mo, at magkaroon ka ng saloobing tanggihan ang Diyos. Ituturing mong Diyos ang anticristo, at nagawa mo na silang iyong Panginoon at Diyos. Para sa iyo, mawawalan ng kabuluhan ang Diyos—iyan ang kinalalabasan. Walang katuturang sabihin na nag-aalala ka dahil nalinlang ka ng isang anticristo at na hindi ka natatakot na sumunod dito, sapagkat kung mali ang landas na iyong tinatahak, sa huli, ito ang hindi maiiwasang kinalalabasan. Hindi mo ito matatakasan at hindi mo mababago ang katotohanang ito. Habang tumatahak ka sa landas na napili mo, ang kinalabasang ito, unti-unti, ay lumulutang sa ibabaw at inilalantad ang sarili nito; hindi ito maiiwasan.
Hinango mula sa “Ibinubukod at Inaatake Nila ang mga Naghahanap sa Katotohanan” sa Paglalantad sa mga Anticristo
Kailangan ninyong kilalanin ang mga anticristo. Kapag hindi mo ito sineryoso, hindi ka magkakaroon ng paraan upang malaman kung sa anong klaseng sitwasyon ka nila maililigaw, at, maaari pa ngang sinusundan mo ang mga anticristo sa kalituhan, nang hindi man lamang nalalaman kung ano ang nangyayari. Noong simulan mong sumunod sa kanila, hindi mo napagtanto na mayroong mali, at maaaring pakiramdam mo pa ay tama ang sinasabi ng anticristo. Hindi mo namamalayan, nailigaw ka na. Sa sandaling ikaw ay malinlang, hindi ka na gusto ng Diyos. May ilang tao na karaniwang mukhang maayos, at pansamantala lamang silang nalinlang ng isang anticristo, kaya kalaunan ay mahahatak sila pabalik ng iglesia sa pamamagitan ng pagbababala at pagbabahagi sa kanila. Subalit may ilang tao na hindi na bumabalik, anumang uri ng pagbabahagi ang matanggap nila; sa halip ay desidido silang sumunod sa anticristo. Hindi ba ito ay pagkakasira? Bakit hindi na lang sila bumalik? Ito ay dahil hindi iyon pinangyayari ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, na lubhang maganda ang intensyon, “O, pero talagang mabuti siyang tao. Maraming taon na siyang sumasampalataya sa Diyos at marami nang isinakripisyo at iginugol. Talagang matuwid siya at naging masipag sa kanyang tungkulin, isa pa ay matindi ang pananampalataya niya sa Diyos. Isa siyang tunay na mananampalataya.” Iyon ang makikita sa panlabas, batay sa mabubuting intensyon ng mga tao, ngunit hindi mo makikita ang nasa kaibuturan ng puso ng taong iyon. Hindi mo makikita kung ano ang kanyang tunay na pagkatao, kung ano ang kanyang diwa. Isa pa, maaaring subukan mo siyang iligtas dala ng kabutihan ng iyong puso, ngunit paano ka man magbahagi ay hindi siya babalik, at hindi mo alam kung ano ang dahilan sa likod nito. Ang totoo, iyon ay dahil hindi na siya gusto ng Diyos. Bakit hindi na siya gusto ng Diyos? Mayroong lubhang malinaw at madaling mahalatang dahilan para rito. Ang ilan sa mga anticristo ay talagang malinaw na masasamang espiritu, gayong ang ilang anticristo ay hindi umaabot sa punto ng pagpapakilala sa kanilang mga sarili bilang masasamang espiritu, kaya hindi sila matutukoy na ganoon. Para sa mga anticristo na malinaw na masasamang espiritu, sa sandaling mayroong ibang sumunod sa kanila, kikilalanin pa rin ba ng Diyos ang taong iyon, kung isasaalang-alang ang diwa at disposisyon ng Diyos? Ang Diyos ay banal, at isa siyang mapanibughuing Diyos—tinatanggihan Niya ang mga sumunod na sa masasamang espiritu. Kahit na, sa panlabas, mukhang mabuti ang taong ito para sa iyo, hindi tinitignan ng Diyos ang aspetong iyon. Ano ang “mapanibughuin”? Ano ang ibig sabihin dito ng “mapanibughuin?” Kung hindi malinaw mula mismo sa salitang ito, tignan ninyo kung mauunawaan ninyo mula sa Aking paliwanag. Magmula sa sandaling mapili ng Diyos ang isang tao hanggang sa sandaling matukoy nila na ang Diyos ang katotohanan, na Siya ang katuwiran, karunungan, at walang hanggang kapangyarihan, na Siya ay nag-iisa—sa sandaling maunawaan nila ang lahat ng ito, magtatamo sila ng isang simpleng pang-unawa ukol sa disposisyon at diwa ng Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso, pati na kung ano ang mayroon Siya at kung sino Siya. Ang simpleng pang-unawang ito ay nagiging kanilang pananampalataya, at ito ay nagiging isang bagay na nagtutulak sa kanila sa pagsunod sa Diyos, sa paggugol sa kanilang mga sarili para sa Diyos, at paggawa ng kanilang tungkulin. Ito ang kanilang tayog, hindi ba? (Oo.) Ang mga bagay na ito ay nag-ugat na sa kanilang buhay at hindi na nila muling itatanggi ang Diyos. Ngunit kung wala silang tunay na kaalaman kay Cristo o sa praktikal na Diyos, maaari pa rin silang sumamba at sumunod sa isang anticristo. Ang ganitong klase ng tao ay nanganganib pa rin. Maaari pa rin silang tumalikod kay Cristo na nasa katawang-tao upang sumunod sa isang masamang anticristo; ito ay magiging lantarang pagtanggi kay Cristo at pagputol ng kaugnayan sa Diyos. Ang ipinahihiwatig nito ay: “Hindi na ako susunod sa Iyo, pero sumusunod ako kay Satanas. Mahal ko si Satanas at nais ko itong paglingkuran; gusto kong sumunod kay Satanas, at paano man ako nito pakitunguhan, paano man ako nito sirain, apakan, at gawing tiwali, handang-handa ako. Gaano Ka man katuwid at kabanal, ayaw ko nang sumunod sa Iyo. Ayaw ko nang sumunod sa Iyo sa kabila ng katotohanan na Ikaw ang Diyos.” At basta na lang silang umaalis, sumusunod sa isang taong walang kinalaman sa kanila, sa isang taong kalaban ng Diyos o isa pa ngang masamang espiritu. Gugustuhin pa rin ba ng Diyos ang ganoong klase ng tao? Magiging makatwiran ba na itaboy sila ng Diyos? Magiging tunay na makatwiran iyon. Batay sa sentido-kumon, alam ng lahat ng tao na ang Diyos ay isang mapanibughuing Diyos, na Siya ay banal, ngunit nauunawaan mo ba ang aktuwal na sitwasyon kung ano talaga ang nasa likod nito? Hindi ba tumpak ang sinasabi ko rito? (Tumpak ito.) Kung tumpak ito, kung gayon ay maituturing ba na kalupitan sa panig ng Diyos ang pagsuko Niya sa taong iyon? Kumikilos ang Diyos ayon sa prinsipyo—kung alam mo kung sino ang Diyos ngunit ayaw mo Siyang sundin, at kung kilala mo kung sino si Satanas at gusto mo pa rin itong sundin, kung gayon ay hindi Ako mamimilit. Hahayaan Kitang sumunod kay Satanas magpakailanman at hindi Ko hihilingin sa iyong bumalik, ngunit susuko na Ako sa iyo. Anong uri ng disposisyon ito sa panig ng Diyos? Ito ba ay pagmamatigas? Umaakto ba siya ayon sa emosyon, o sa pagiging marangal? Hindi ito karangalan, ni katigasan, kundi bahagi ng “paninibugho” ng Diyos. Ibig sabihin, kung ikaw bilang isang nilkha ay masaya na maging masama, ano ang masasabi ng Diyos? Kung nais mong maging masama, iyon ay personal mong desisyon—sa huli ay ikaw ang mananagot sa mga kalalabasan, at ang sarili mo lamang ang masisisi mo. Hindi mababago ang mga prinsipyo ng Diyos sa pakikitungo sa mga tao, kaya kung ikaw ay masaya sa kasamaan, ang iyong tiyak na kahahantungan ay ang maparusahan. Hindi mahalaga kung ilang taon ka mang sumunod sa Diyos noon; kung nais mong maging masama, hindi ka tutulungan ng Diyos sa iyong pasya, ni hindi ka Niya pipilitin. Ikaw mismo ay handang sumunod kay Satanas, upang mailigaw at madungisan ni Satanas, kung kaya’t sa huli ay dapat kang managot sa mga kalalabasan.
Hinango mula sa “Sila ay Masasama, Mapanganib, at Mapanlinlang (II)” sa Paglalantad sa mga Anticristo
Gaano man karaming tao ang naniniwala sa Diyos, sa sandaling ang paniniwala nila’y itinuring ng Diyos na kabilang sa isang relihiyon o grupo, natukoy na Niya na hindi sila maliligtas. Bakit Ko sinasabi ito? Sa isang pangkat o grupo ng mga taong walang gawain at paggabay ng Diyos, at na hindi sumasamba sa Kanya ni bahagya, sinong sinasamba nila? Sino ang sinusunod nila? Sa anyo at sa pangalan, sinusunod nila ang isang tao, ngunit sino ba ang talagang sinusunod nila? Sa kanilang mga puso, kinikilala nila ang Diyos, ngunit ang totoo, sila’y sumasailalim sa pagmamanipula, mga pagsasaayos at pagkontrol ng tao. Sumusunod sila kay Satanas, ang diyablo; sumusunod sila sa mga puwersang lumalaban sa Diyos at na mga kaaway Niya. Ililigtas ba ng Diyos ang kawan ng mga taong tulad nito? (Hindi.) Bakit hindi? Kaya ba nilang magsisi? (Hindi.) Hindi nila kayang magsisi. Iwinawagayway nila ang bandila ng pananampalataya, isinasagawa ang mga gawain ng tao, at pinatatakbo ang sarili nilang pamamahala, at sila’y sumasalungat sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ang kanilang pangwakas na kalalabasan ay ang pagiging kinasusuklaman at tinatanggihan ng Diyos; hindi Niya posibleng iligtas ang mga taong ito, hindi posibleng magsisi sila, nabihag na sila ni Satanas—sila’y lubusang nasa mga kamay ni Satanas. Sa iyong pananampalataya, mahalaga ba kung gaano karaming taon ka nang naniniwala sa Diyos sa kung pinupuri Ka niya o hindi? Mahalaga ba ang mga ritwal at patakarang sinusunod mo? Tinitingnan ba ng Diyos ang mga pamamaraan ng mga tao sa pagsasagawa? Tinitingnan ba Niya kung gaano karaming tao ang naroroon? Pumili na Siya ng isang bahagi ng sangkatauhan; paano Niya sinusukat kung maililigtas ba at dapat ba silang iligtas? Ibinabatay Niya ang pasyang ito sa mga landas na tinatahak ng mga taong ito. Sa Kapanahunan ng Biyaya, bagaman ang mga katotohanang sinabi ng Diyos sa mga tao ay mas kaunti kaysa sa ngayon, at hindi ganoon katukoy, nagawa pa rin Niyang gawing perpekto ang mga tao sa panahong iyon, at naging posible pa rin ang kaligtasan. Kaya, para sa mga tao ng panahong ito na nakarinig sa maraming katotohanan at nakaunawa sa kalooban ng Diyos, kung hindi nila kayang sumunod sa Kanyang daan at hindi kayang lumakad sa landas ng kaligtasan, sa gayon, ano ang kanilang magiging pangwakas na kalalabasan? Ang kanilang pangwakas na kalalabasan ay matutulad doon sa mga mananampalataya sa Kristiyanismo at Judaismo; walang magiging pagkakaiba. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos! Hindi alintana kung gaano karaming sermon ang napakinggan mo na o kung gaano karaming katotohanan ang naunawaan mo na, kung, sa huli, sinusunod mo pa rin ang mga tao at sinusunod si Satanas, at sa huli hindi mo pa rin kayang sumunod sa daan ng Diyos at hindi kayang matakot sa Kanya at layuan ang kasamaan, kung gayon ang mga taong ganoon ay kasusuklaman at itatakwil ng Diyos. Sa tingin ng lahat, ang mga taong ito na kinasusuklaman at itinatakwil ng Diyos ay makakapagsalita ng marami tungkol sa mga titik at doktrina, at maaaring naunawaan ang maraming katotohanan, subalit hindi nila kayang sumamba sa Diyos; hindi nila kayang matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan, at hindi nila kayang lubos na sumunod sa Kanya. Sa paningin ng Diyos, itinuturing Niya sila bilang parte ng isang relihiyon, bilang isa lamang grupo ng mga tao—isang pangkat ng mga tao—at bilang isang bahay-tuluyan para kay Satanas. Sama-sama silang itinuturing bilang pangkat ni Satanas, at ang mga taong ito’y lubusang kinamumuhian ng Diyos. https://reurl.cc/XW8AZ0
Hinango mula sa “Tanging Kapag Namumuhay Ka sa Harapan ng Diyos sa Lahat ng Sandali Makalalakad Ka sa Landas ng Kaligtasan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
留言列表